Gumawa ng kasaysayan si Vice Ganda bilang unang Pilipino na tinanghal na Best Lifestyle, Entertainment Presenter/Host sa ikaapat na Asian Academy Creative Awards (AACA).
Umangat ang husay ng Unkabogable Star laban sa ibang mga bansa sa Asya para sa kanyang pag-host ng programang “Everybody, Sing!” ng ABS-CBN, ang unang community singing game show ng bansa.
Umaapaw naman ang ligaya ni Vice nang malaman ang pagkapanalo.
Tweet ng “It’s Showtime” host, “Overwhelmed! Ang gulo ng pakiramdam! Naiihi ako na naduduwal na ‘di ko maintindihan. Nakakabaliw sa saya! Thank you Lord! This is unbelievable!”
Si Vice rin ang tanging Pinoy na nanalo sa entertainment categories ng AACA. Matatandaang 11 na personalidad at programa ng ABS-CBN ang tinanghal na national winners na kumatawan sa bansa sa ginanap na AACA ngayong taon.
Noong nakaraang taon, ang Kapamilya star naman na si Arjo Atayde ang nagdala ng karangalan sa bansa bilang unang Pilipino na nanalo ng Best Actor in a Leading Role sa AACA. Nanalo rin bilang Best News or Current Affairs Presenter/Anchor para sa “Market Edge” ng ANC si Cathy Yang noong 2019, habang ang “MMK: Toy Car” naman ang nagwagi ng Best Single Drama or Telemovie noong 2018 AACA.
Para sa ibang balita tungkol sa ABS-CBN, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.