TRADEMARK REGISTRATION NG TAPE INC. SA TITULONG “EAT BULAGA!” KANSELADO NA NG IPOPHIL

Nabawi na ng TVJ mula sa pangangalaga ng Television and Production Exponents Incorporated o TAPE Inc. ang titulong “Eat Bulaga!.” Lunes, December 4, 2023, pinaburan ng Intellectual Property Office of the Philippines o IPOPHIL ang petition nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon na kanselahin ang trademark registration ng TAPE Inc. sa pangalang “Eat Bulaga” at “EB.”

Ayon sa 16 pages decision ni Atty. Josephine Alon, Adjudication Officer ng Bureau of Legal Affairs ng IPO, bigong mapatunayan ng TAPE Inc. kung paano nila nabuo ang “Eat Bulaga” mark. Habang kinatigan naman ng IPO ang petitioners nitong sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon dahil nakapaglabas sila ng testimonya at credible na eksplanasyon sa pinagmulan ng pangalang “Eat Bulaga.”

Ayon din sa IPO, hindi pinabulaanan ng TAPE ang pahayag ng TVJ kung paano nabuo ang titulong “EAT BULAGA” para sa isang noontime show noong 1979 bagkus ay nasuportahan pa ito ng pahayag ng TAPE Inc. “After their engagement, we thought of the name of the noontime show. I submitted several names to Romy including “Eat Bulaga” which was suggested by Joey.

Ang “Romy” na tinutukoy sa dokumento ay si Romy Jalosjos, ang may-ari ng TAPE, ang producer ng longest-running noontime show na Eat Bulaga! na umeere sa GMA Network.

Dagdag pa sa desisyon: “Romy chose the name “Eat Bulaga” amongst the name in the list.

“Further, consistent to being the true owner of the EAT BULAGA mark, Petitioners applied for registration of the mark with the Intellectual Property of the Philippines in February 2023 for Classes 16, 18, 21, 25 and 41. The old Trademark Law provided that “the owner from the goods, business, or services of others shall have the right to register the same…”

Intellectual Property Office

Sa pagkakaroon ng sapat na ebidensya kung paano nilikha ng mga Petitioner ang marka na “EAT BULAGA,” napagpasyahan ng korte na ang TVJ at hindi ang Respondent-Registrant (TAPE Inc.), ang nagmamay-ari ng marka. Dahil dito, hawak na ng TVJ ang ganap at eksklusibong karapatan na irehistro ang marka ng EAT BULAGA at lahat ng may kaugnayan dito sa ilalim ng kanilang pangalan.

“Wherefore, premises considered, the instant Petition for Cancellation is hereby GRANTED.”

Intellectual Property Office

Ayon sa legal counsel ng TAPE Inc. na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, hindi pa nila natatanggap ang kopya ng desisyon. Magkaganun man, sa ilalim ng regulasyon, maaari pa nila itong iapela sa loob ng sampung araw. Gagawin daw nila ang lahat ng legal na aksyon para mabaliktad and desisyon.

Ayon naman sa panayam ng One PH kay Atty. Buko Dela Cruz, legal counsel ng TVJ, dapat ay hindi na gagamitin ng TAPE ang titulong “Eat Bulaga” ngunit inaasahan na nila na iaapela ito ng TAPE Inc.

“Well, kung titignan mo yung desisyon dahil sinabi na nga na ang totoong may ari ay ang TVJ, dapat hindi na nila gamitin. Pero ini-expect namin na mag aapela ang TAPE, noh at gagamitin nila yung proseso at habang ito’y naka apela, maaaring ang maging posisyon nila ay hindi pa nila ito bibitawan yung pangalan.”

Atty. Buko Dela Cruz

Samantala, nagpost naman ang TVJ sa kanilang social media account with the caption “Isang libo’t isang tuwa, buong bansa…. buong mundo.… Eat Bulaga!” nagpapatunay na nagbubunyi ang mga Legit Dabarkads.

Ayon kay Atty. Buko very, very thankful ang mga Dabarkads at tinuturing nila itong maagang pamasko at may nakatakdang presscon bukas, Miyerkules, Dec. 6, alas dyes ng umaga.

“Natuwa sila eh (Dabarkads). Very, very thankful. Sabi nga nila maagang pamasko. Sabi ni Tito Sen ahh.. bukas daw ihahayag niya ang kaniyang mga saloobin sa kanilang presscon.. pero sa kanila turing nila maagang pamasko ito.”

Atty. Buko Dela Cruz

Inaasahan ng kampo ng TVJ na magagamit na nila ang titulong “Eat Bulaga!” dahil ito’y ayon naman sa hatol ng Intellectual Property Office of the Philippines o IPOPHIL. Hiling din ni Atty. Buko sa TAPE na sana ay ibigay na sa TVJ ang “Eat Bulaga” mark.

Matatandaang noong May 31, 2023 nagpaalam sa TAPE Inc. ang mga Dabarkads sa pangunguna ng haligi ng Eat Bulaga! na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon. Ito ay dahil sa ilang buwang hidwaan sa pagitan ng Dabarkads at bagong management ng TAPE Inc.

Ang TVJ ang co-founders at pioneer hosts ng Eat Bulaga! sa loob ng 44 na taon bago ang kanilang pamamaalam sa programa at sa GMA-7. Hanggang noong July 1, 2023, inilunsad nila ang kanilang programa na E.A.T sa kanilang bagong tahanan sa TV5.

Ano na nga kaya ang magiging bagong titulo ng programa ng TAPE Inc.? at kailan na kaya muli gagamitin ng TVJ ang kanilang nagbabalik na titulong “Eat Bulaga!”?

Abangan…

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Back to top button