TONI, TINANGGAP ANG HAMON NI KUYA NA MAGING HOST NG “PBB CONNECT”

Muling bumati si Toni Gonzaga ng masayang araw sa Pilipinas at sa buong mundo dahil babalik siya bilang host ng ika-siyam na season ng “Pinoy Big Brother” (PBB) na “PBB Connect” kasama sina Bianca Gonzalez at Robi Domingo. 

Ibinalita ang pagbabalik ni Toni noong Nobyembre 2 at agad siyang binigyan ng task ni Kuya na ibunyag ang “Big 4 Balita” tungkol sa show sa livestreaming app na Kumu, kabilang na ang pagbabalik nina Bianca at Robi bilang kanyang co-hosts. 

Sumabak na agad si Bianca noong Nobyembre 3 sa “KUMUnect Tayo Audition Show” kasama si ABS-CBN head of entertainment production Lauren Dyogi, kung saan limang aspiring housemate ang nakatanggap ng golden star at pasok na susunod na round ng audition. Makakasama rin sa digital show na ito sa Kumu si Robi.

Ayon kay Toni, nakatanggap na rin ng 144,947 audition entries ang “PBB” sa Kumu, na pinakamalaking naitala sa kasaysayan ng sikat na reality show. Sa bilang na ito, 3,053 ang nakapasa na sa audition. 1,715 ay galing Luzon, 592 ang mula sa Mindanao, 520 ang galing sa Visayas, at 226 naman ay nagmula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Hanggang Nobyembre 11 ang online auditions sa Kumu. 

Para sa huling Big Balita, may espesyal na livestream ang “PBB Connect” ngayong Biyernes (Nobyembre 6), 8 pm tampok ang ex-housemates ni Kuya. Hangad ng “#PBBKUMUnectSaPagtulong” na makalikom ng pondo para matulungang makabangon ang mga biktima ng bagyong Rolly. Pwede ring mag-upload sa Kumu ang viewers ng video (1 minuto ang haba) para magbahagi kung paano sila tutulong sa kapwa na makaahon sa buhay. Ilan sa mga video ay ipapalabas sa livestream sa Biyernes.

Hangarin ng ABS-CBN at ng Kumu na magbigay pag-asa at pagtibayin pa ang koneksyon ng mga Pilipino lalo na ngayong panahon ng pandemya sa pamamagitan ng “PBB Connect.”

Subaybayan ang  mga paparating na ganap sa loob ng bahay ni Kuya sa Kumu, A2Z Channel 11, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, ABS-CBN Entertainment Channel, at sa mga opisyal na social media account ng “PBB.”  

Para sa updates, bumisita lang sa https://app.kumu.ph/PBBabscbn, i-follow ang “PBB” sa Facebook (PBBABSCBNTV), Twitter (PBBABSCBN), at Instagram (PBBABSCBNTV), at mag-subscribe sa YouTube (Pinoy Big Brother). Para sa iba pang balita, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Back to top button