Muling itatanghal ng Dulaang Unibersidad ng Pilipinas ang premyadong dulang Kung Paano Nanalo sa Karera si Rosang Taba ngayong paparating na Abril 19 hanggang Mayo 06 sa UP Diliman. Adaptasyon nina Maynard Manansala at Rody Vera mula sa kuwentong pambata ni Dean Francis Alfar, ipinagdiriwang ng dulang ito ang pagpapalaya sa sarili, sa pamilya, at sa kapwa sa pamamagitan nang pagkwento ng mga naratibong mapagpalaya.
Kinikilala bilang isa sa Best Filipino Theatre of 2023, ang kwento ni Rosang Taba ay iikot sa kanyang paggamit ng talino at lakas ng loob upang isahan at talunin ang mayabang na kumandante ng mga Ispancialo na sumakop sa mga Katao. Sa direksyon nina José Estrella, Issa Manalo Lopez at Mark Daniel Dalacat, maki-awit at maki-indak sa istorya kung papaanong nanalo ang matabang babae laban sa matikas na kumandante.
Isang dulang para sa lahat, kung kaya ni Rosa ay kakayanin mo rin!
Matagal nang nangunguna ang Dulaang UP sa premyadong mga pagtatanghal mula nang itinatag ito noong 1976 ng Pambansang Alagad ng Sining na si Tony Mabesa. Sa ika-46 nitong Theatre Season, itinutuloy ng produksyong Rosang Taba ang pagbida sa mga kwentong babaeng sumisidhi at sumisilakbo tungo sa sariling pagpapalaya.
Tunghayan ang Kung Paano Nanalo sa Karera si Rosang Taba sa IBG-KAL Theater, Unibersidad ng Pilipinas Diliman sa sumusunod na iskedyul:
Abril 19, 26, Mayo 03 (7:30 pm)
Abril 20, 27, Mayo 04 (3:30 pm & 7:30 pm)
Abril 21, 28, Mayo 05 (10:30 am & 03:30 pm)
Bahagi ng selebrasyon ng Women’s Month, magkakaroon ng discounted rates (April 19–21 shows) para sa UP Students hanggang March 15 sa halagang PHP 550. Samantala, ang Non-UP Student rate ay PHP750, PWD/Senior Citizen rate ay PHP 800, at regular rate ay PHP 1,000 [bit.ly/RosangTaba2024].
Mabibili ang non-discounted tickets sa Ticket2Me [ticket2me.net/event/21729].
Para sa show buying, sponsorship, at bulk tickets, maaaring kausapin si Kate Dayag-Nonay sa dulaangup.marketing.upd@up.edu.ph. Matatagpuan ang karagdagang impormasyon sa Facebook page ng Dulaang Unibersidad ng Pilipinas.