Mahahalagang payo tungkol sa pagboto ang ipinabaon ng Star Magic artists na sina Robi Domingo at Aya Fernandez kasama ang Bayan Mo, iPatrol Mo sa ginawang virtual voter education forum kamakailan lang.
Ilang araw bago magsara ang voter registration ng Comelec sa Setyembre 30, pinaalalahanan ni Robi ang mga guro at mag-aaral ng Biliran Province State University sa “Botante Ako! A Voter’s Education Forum” na mas malakas ang taumbayan kaysa sa mga nakaluklok sa posisyon.
Dagdag pa ni Robi, dapat iwasan na ng mga Pilipino na ‘magpa-scam’ dahil walang ‘return to sender’ pagkatapos ng halalan.
“Sana pagdating ng eleksyon, kung sino man ang na-add to cart mo, perfect fit siya sa’yo at sa values mo,” paliwanag ni Robi.
Ipinaalala naman ni Aya Fernandez na ang pagboboto ang isang solusyon para sa pagbabago.
“We see a lot of problems going on. Sometimes it feels so overwhelming na parang, shucks may magagawa pa ba ako? Again, the good news is meron,” sabi ni Aya.
“List down the problems and compare it to the platforms of the candidates who are going to run. Nandoon ba ‘yung pagbabago na gusto niyong makita?” ani Aya.
Dinaluhan din ang forum nina ABS-CBN Bayan Mo iPatrol Mo head Rowena Paraan at reporter na si Sherrie Ann Torres na nagbahagi ng kanilang kaalaman tungkol sa citizen journalism pati na ang papel ng news media tuwing halalan.
Star Magic at BMPM voter registration campaign ambassadors sina Robi at Aya kasama ang iba pang Kapamilya stars. Ibinalita nitong Biyernes (Setyembre 24) sa “TV Patrol” na dumagdag pa ang P-Pop groups na BGYO at BINI sa mga nagparehistro at naghikayat sa mga kabataan na lumahok sa darating na halalan. Anila, nakasalalay ang pag-unlad ng bansa sa boto ng mga Pilipino.
Para sa karagdagang detalye, i-follow ang Bayan Mo, iPatrol Mo sa Facebook (@bayanmoipatrolmo), Instagram (@bayanmoipatrolmo), at Twitter (@bayanmo). Para sa ibang balita, i-follow ang ABS-CBNPR sa Facebook, Twitter, TikTok, at Instagram (@abscbnpr) o pumunta sa abs-cbn.com/newsroom.