Ang movie love-affair film na pinag-usapan noong 2007 ay mapapanood muli dahil handog ng ABS-CBN Film Restoration sa mga manonood ngayon ang digitally restored at remastered version ng “A Love Story,” na pinagbidahan nina Aga Mulach, Angelica Panganiban, at Maricel Soriano, sa Sagip Pelikula Festival ng KTX simula Agosto 17 (Martes), 7:30 ng gabi.
Ginampanan ni Aga ang karakter ni Ian, isang real estate executive na nagpursiging mahigitan ang tagumpay ng kanyang ama. Kalaunan, makikilala niya ang dalawang babae na babago sa kanyang buhay—ang doktorang si Joanna (Maricel) at ang flight attendant na si Karyn (Angelica).
Ibibigay ni Joanna ang lahat ng pag-aaruga na hinahanap ni Ian. Sa kabilang banda, mahuhumaling din siya sa angking ganda at personalidad ni Karyn na siyang magbibigay saya sa kanyang buhay.
Sa pagsubok na kanilang haharapin, kailangan nilang matutong magpatawad, magsakripisyo, at maunawaan ang tunay na kahulugan ng pag-ibig.
Sa panulat ni Vanessa Valdez at sa direksyon ni Maryo J. Delos Reyes, tampok din dito sina starred Dante Rivero, Chin Chin Gutierrez, Bobby Andrews, TJ Trinidad, Baron Geisler, John Arcilla, Gerald Madrid, Marc Acueza, RS Francisco, Carla Humphries, Anita Linda, Mark Gil, at marami pang iba.
Kinilala rin ang pelikula sa iba’t ibang award-giving bodies sa bansa, tulad ng 38th Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation Box-Office Entertainment Awards, 24th PMPC Star Awards for Movies, at ng 26th Luna Awards.
Huwag palampasin ang premiere ng digitally restored at remastered version ng “A Love Story” sa Sagip Pelikula Festival ng KTX simula Agosto 12 sa ganap na 7:30 ng gabi. Bilang sorpresa rin sa mga manonood, tampok din sa pre-show nito sina Aga, Maricel, Angelica, at ang manunulat nitong si Vanessa Valdez bago ang screening nito. Mabibili ang mga ticket nito sa https://bit.ly/ALSonKTX sa halagang P150.
Maliban sa “A Love Story,” mapapanood din ng madla ang restored hits ni Aga Mulach bilang selebrasyon ng kanyang kaarawan ngayong Agosto, tulad ng “When Love Begins,” “All My Life,” “Sana Maulit Muli,” “Kailangan Kita,” “Basta’t Kasama Kita,” at iba pa, pati ang mga klasik na pelikula nina Maricel Soriano at Angelica Panganiban sa KTX simula Agosto 18 (Miyerkules).
Kamakailan ay ipinagdiwang ng ABS-CBN Film Restoration ang ika-10 taon nito ng pagsagip ng mga natatanging pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng proyekto nitong Sagip Pelikula. Tumanggap na ito ng ilang award tulad ng Gold Quill award mula sa International Association of Business Communicators (IABC), at ng Gawad Pedro Bucaneg mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL).
Para sa updates tungkol sa ABS-CBN Film Restoration at sa “Sagip Pelikula,” i-follow sila sa Facebook (fb.com/filmrestorationabscbn), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).