“PANTAWID NG PAG-IBIG” NG ABS-CBN, NAKALIKOM NA NG P256.6 M PARA SA MGA APEKTADO NG QUARANTINE

Sa pagkakaisa ng mga Pilipino mula sa buong mundo, umabot na sa P256.6 milyon ngayong araw (Marso 23) ang natanggap na donasyon ng “Pantawid ng Pag-ibig” fundraising campaign ng ABS-CBN para matulungan ang mga kababayan nating lubos na naapektuhan ng enhanced community quarantine.

Ilang araw matapos ang P100 milyong donasyon ng Lopez Group of Companies, bumuhos pa ang suporta mula sa mga indibidwal at grupong naniniwala sa hangarin ng ABS-CBN at mga katuwang nitong kumpanya at lokal na pamahalaan sa Metro Manila na mabigyan ng pagkain at iba pang gamit pang araw-araw ang mga nangangailangan.

Kabilang sa mga nagbukas ng palad ang Project Ugnayan na maglalaan ng P100 milyon para sa “Pantawid ng Pag-ibig.” Proyekyto ito ng mga pribadong kumpanya upang lumikom ng pondo para sa mahihirap na pamilya. Binubuo ito ng Aboitiz Group, ABS-CBN/Lopez Group, Alliance Global, AY Foundation and RCBC, Ayala Corporation, Bench & Liwayway Group, Caritas Manila, Century Pacific, Concepcion Industrial Corp, DMCI, ICTSI, Jollibee, Leonio Group, Metrobank/GT Capital, Nutri-Asia, PDRF, PLDT/Metro Pacific Investments Corporation, Puregold, San Miguel Corporation, at SM/BDO.

Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa kabutihan ng lahat ng donor at nangakong makakarating ang mga donasyon sa ating mga kababayan sa tulong ng mga kasama nitong organisasyon at mga lokal na pamahalaan.

Dumagsa pa ang mga donasyon kagabi (Marso 22) sa ginanap na “Pantawid ng Pag-ibig: At-Home Together Concert” kung saan mahigit sa 100 Kapamilya artists ang nag-alay ng mga awitin, vlog, mensahe, at dasal para sa ating mga frontliner mula sa kani-kanilang tahanan. Inudyok din nila ang publiko na tumulong, habang pinanonood nila ang digital fund-raising concert sa iWant at iba pang online platforms ng ABS-CBN, maging sa TV sa ABS-CBN, S+A, ANC, MYX, DZMM TeleRadyo, at TFC, at sa radyo sa DZMM Radyo Patrol 630 at MOR 101.9.

Ang pondong malilikom ng “Pantawid ng Pag-Ibig” ay gagamitin sa pagbili ng bigas, delata, noodles, biskwit, gatas, kape, shampoo, sabon, detergent, at bitamina na ibibigay sa mga Pilipinong hindi makapagtrabaho o hanapbuhay para sa kanilang pamilya dahil sa quarantine.

Sinimulan na noong nakaraang linggo ang pamamahagi ng relief packages na pinangunahan ng mga alkalde sa Metro Manila. Sa tulong at suporta mula sa publiko at pribadong sektor, at sa patuloy na pagtitiwala at pakikiisa ng mga lokal na pamahalaan, umaasa ang ABS-CBN na mapalawig pa ang serbisyo nito sa labas ng Metro Manila, kung saan marami rin ang nahihirapan at humihingi ng tulong. 

Ang mga nais tumulong ay maaaring mag-deposito ng cash donation sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc.-Sagip Kapamilya bank accounts sa BPI peso account 3051-11-55-88, Metrobank peso account 636-3-636-08808-1, BDO peso account 0039301-14199, PNB peso account 1263-7000-4128,at BDO dollar account 1039300-81622.

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Back to top button