“PANTAWID NG PAG-IBIG” NG ABS-CBN, NAGHATID NA RIN NG TULONG SA ILANG PROBINSYA

Nagsimula nang maghatid ng tulong ang kampanyang “Pantawid ng Pag-ibig” ng ABS-CBN sa mga malalapit na probinsya ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal ngayong linggo para sa ating mga kababayang lubos na naapektuhan ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon.

Ibinahagi ng Kapamilya news anchor na si Bernadette Sembrano-Aguinaldo ang magandang balitang ito kagabi (Abril 7) sa “TV Patrol,” na patuloy na nagdadala ng pinakabagong balita at impormasyon sa mga Pilipino ukol sa COVID-19.

Simula nang inilunsad ang “Pantawid ng Pag-ibig” noong Marso 19, nakaikot na ang ABS-CBN‪ sa 17 lungsod at bayan sa Metro Manila upang maghatid ng mga pagkain at pangangailangan sa araw-araw na siya namang ihahanda at ipamamahagi sa mga pamilyang nangangailangan sa pangunguna ng mga Local Government Unit (LGU).

Nakapagdala na ang ABS-CBN ng mga produkto tulad ng bigas, delata, noodles, biskwit, gatas, kape, shampoo, sabon, detergent, at bitamina sa Caloocan, Las Pinas, Malabon, Makati, Mandaluyong, Manila, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Paranaque, Pasay, Pasig, Pateros, Quezon City, San Juan, Taguig, at Valenzuela.

Noong Martes (Abril 7), umabot na sa P324.5 milyon ang nakalap na donasyon ng “Pantawid ng Pag-ibig.” Mula rito, P265.7 milyon ang nagamit na sa pagbili ng mga produkto. Sa ngayon, P134 milyong halaga ng produkto na ang naipasa sa mga LGU upang kanilang ipamahagi sa kanilang nasasakupan.

Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa tiwala at suporta ng mga Kapamilya na patuloy na nagmamalasakit sa kapwa Pilipino lalo na sa panahong ito. Pinasasalamatan din ng network ang pakikiisa ng LGUs, Armed Forces of the Philippines, at mga pribadong kumpanya na katuwang nito sa pagtulong sa mga Pilipinong nawalan ng hanapbuhay at hirap kumita habang sumusunod sa bilin ng gobyernong manatili sa loob ng bahay upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Bukod sa “Pantawid ng Pag-ibig,” nakapaghatid na rin ng tulong ang ABS-CBN sa 57 ospital na nangangailangan ng mga kagamitang medikal at pamproteksyon sa kanilang patuloy na pagkalinga sa mga nagkakasakit.

Sa kasalukuyan, mahigit 3,000 na ang kaso ng COVID-19 sa bansa. Kahapon (Abril 7), opisyal na ring idineklara na mananatili sa ilalim ng ECQ ang Luzon hanggang ‪Abril 30. Kaya naman dumudulog pa rin ang ABS-CBN sa mga indibidwal at korporasyong may kakayahang magbigay ng donasyon.

Sa mga gusto tumulong, magdeposito lang sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc.-Sagip Kapamilya bank accounts: BPI peso account 3051-11-55-88, Metrobank peso account 636-3-636-08808-1, PNB peso account 1263-7000-4128, BDO peso account 0039301-14199, at BDO dollar account 1039300-81622. Maaari ring magpadala ng donasyon sa pamamagitan ng Cebuana Lhuillier, PayPal, Pass it Forward, at GCash.

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Back to top button