Bumilib ang maraming netizens sa ginawang bagong areglo ng OPM icon na si Rico Blanco sa sikat na “Pinoy Big Brother” theme song na “Pinoy Ako,” na may bagong titulong “Pinoy Tayo,” sa “ASAP Natin ‘To” noong Linggo (Setyembre 5).
Unang beses ipinarinig at tinanghal ni Rico ang awiting magsisilbing official soundtrack ng paparating na “Pinoy Big Brother (PBB) Kumunity Season 10” kasama ang ex-housemates at Big Winners ni Kuya na pinangungunahan nina Kim Chiu, Maymay Entrata, Melai Cantiveros, Robi Domingo, Edward Barber, Loisa Andalio, at Maris Racal.
Ani ng YouTube user na si Christine Loy, “a chic, edgy, and fresh take on Pinoy Ako. Awesome performance by Rico Blanco.”
Para naman kay Twitter user @jkthelagogh, “Wait, ang cool pakinggan ‘nung version ni Rico Blanco ng Pinoy Ako. PBB season na nga ulit,” tweet niya.
Patok din kay netizen Shyra Dee ang bagong tunog ng “Pinoy Tayo,” na lead single sa 25-track album ng tanyag na composer at ABS-CBN Music creative director na si Jonathan Manalo para sa kanyang ika-20 taon sa industriya.
“Wooah! Love the version. Thank you sir Jonathan Manalo. Hoping mapanood ulit si Rico at Maris sa ASAP stage,” komento ni Shyra sa performance na mapapanood pa rin sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel.
Si Jonathan ang supervising producer ng single, habang nagsilbing producer si Rico. Nagdagdag rin ang dating “Rivermaya” vocalist ng bagong liriko sa orihinal na “Pinoy Ako” song na sinulat nina Jonathan at Clem Castro, at unang pinasikat ng bandang “Orange and Lemons.”
Patuloy din si Kuya sa pagbibigay ng online daily task sa aspiring housemates sa pamamagitan ng Pinoy community platform na Kumu, kung saan magpapatuloy ang auditions para sa mg 20 to 40 years old hanggang Setyembre 30. Sa Disyembre 1 hanggang 31 naman ang simula ng auditions para sa Teen Edition para sa mga 15 to 19 years old.
Para sa latest tungkol sa “Pinoy Big Brother Kumunity Season 10,” i-follow ang @pbbabscbntv sa Facebook (@pbbabscbntv), Twitter (@pbbabscbn), Instagram (@pbbabscbntv), at kumu (@pbbabscbn). Para sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.