Tanggap na ni Janine Berdin na hindi mapapasakanya ang taong mahal niya sa kantang “Wala Ako N’yan,” na ni-release sa ilalim ng Star Music at iprinodyus ng TNT Records.
“Gaya ng iba ‘kong mga kanta, nagpapaalala itong kanta ko na ‘to na iba-iba yung nararamdaman natin—minsan pakiramdam natin lagi tayong natatalo, na tinatalikuran tayo, at na hindi tayo enough para sa isang tao,” paliwanag ng “Tawag ng Tanghalan” season 2 grand champion.
Pero mayroon din daw magandang mensahe ang kanta. “Nagpapaalala rin siya na hindi ka nag-iisa, na hindi lang ikaw yung nakakaramdam ng ganito at na may taong nandyan para sa’yo,” dagdag ng “Gem of OPM.”
Isinulat ni Janine ang “Wala Ako N’yan,” in-arrange ni Mhonver Lopez, at iprinodyus nina Chochay Magno at Jessa Gregorio. Executive producer naman ng kanta si TNT Records head Pete Dizon.
Samantala, umani naman ng papuri ang kakaibang voice quality at madamdaming pagkanta ni Janine, na ipinarating ng mga tagapakinig sa official music video ng kanta sa YouTube.
“I can feel the emotions, rushing through [my] veins. Janine is truly a gem! Whenever I hear her voice it drives me insane,” comment ni Lloyd Pepito.
“Can’t get enough of Janine’s voice. Paulit ulit ko lang pinapanood kahit sobrang sakit. ‘Yung tinutusok na yung puso ko pero gusto ko pa ding panoorin!” dagdag ni Marielle Sheyanne Penes.
Mula nang manalo siya sa “Tawag ng Tanghalan,” naging interpreter si Janine ng kantang “Mas Mabuti Pa” para sa Himig Handog 2018, kung saan itinanghal ang awitin bilang 4th Best Song. Inawit naman niya ang “Sa’yong Mundo” para sa Himig Handog 2019. Siya rin ang kumanta ng theme song ng hit Kapamilya teleserye na “Kadenang Ginto” na “Nasa Puso.”
Tumanggap rin ng pagkilala si Janine mula sa Philippine Air Force noong 2018 at kinilala bilang Promising Female Music Artist ng World Class Philippines Council 2019.
Palayain ang iyong sarili mula sa sakit ng pag-ibig na hindi sinusuklian at panoorin ang music video ng “Wala Ako N’yan” sa ABS-CBN Star Music’s YouTube channel, at pakinggan ang kanta sa mga music streaming services. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph), at i-follow ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).