“IT’S SHOWTIME,” MAY BACK-TO-BACK PASIKLABAN BUONG LINGGO

Umaatikabong tapatan ng talentong Pinoy ang ihahain ng “It’s Showtime” mula ngayong Lunes hanggang Sabado (Mayo 24-29) sa “Versus” grand finals at pagsisimula ng two-week “Tawag ng Tangahan” quarter finals sa Kapamilya Channel, A2Z, at Kapamilya Online Live sa Facebook at YouTube.

Sari-saring aliw at galing ang makukuha ng viewers sa “Versus: The Grand Showpresa,” kung saan 16 acts ang buong linggong magtatagisan gamit ang angking talento at kakayahang magpasaya ng madlang people. Isang finalist ang mananalo kada araw hanggang sa apat na lang ang matira ngayong Biyernes para sa ultimate tapatan.

Huwag kumurap sa nakakabilib na acts ng mentalist na si Tik Talker (Melbourne Javier), card tricks ni Tigas Abelgas (Mark Alfonso), head spinning ni Otso Gwapito (Jericho Ayala), Rubik’s cube solving ni Son Guro-Ku (Reynaldo Mape Jr.), scaffolds dancing ni Mani-Queen (Nique Mancha), yoyo tricks ni Pa-bili Idol (Charles Miagar), at Cyr wheel spinning ni Hilo Love Goodbye (Jay-ar Matias).

Palaban din ang bubble act ni Kuya Wheels (Julio Belacse), beatboxing with harmonica ni The Ihaws of Us (Jesse Pascua), pop lock dancing ni Captain Barber (Marlou Mangeron), devil sticks ni Fish Be With You (Dexter Duran), blocks juggling at crystal ball act ni Mask Alvarado (Noah Velasco), light art ni Emo Magalona (Raphael Dela Cruz), pen art ni Christorpe Reeve (Jestoni Rubantes), at contemporary dancing ni Siyam Milby (Larry Into), at pianist na si Flex Cortez (Noel Villanueva).

Pagalingan sa kantahan naman ang dapat na tutukan simula Lunes sa pagsisimula ng two-week quarter finals sa “Tawag ng Tanghalan,” kung saan sampung magagaling na singers ang maglalaban-laban para masungkit ang isa sa dalawang pwesto sa semifinals.

Sa unang linggo, magtatapat sa entablado ang band singer na si Froilan Cedilla, mga estudyanteng sina Justine Gadi, Reiven Umali, at Josh Labing-isa, at online seller na si Pamela Anne Mulimbayan. Hindi rin aatras sa bosesan sa susunod na linggo ang theater actress na si Aixia Mallary, dating service crew na si Kiro Remon, music school graduate na si Faye Yupano, online seller na si Erika Buensuceso, at estudyanteng si Psalm Manalo.

Lalong hihigpit ang tapatan dahil mag-aagawan ng ‘spotlight’ ang finalists mula Lunes hanggang Huwebes gamit ang pambatong hugot songs, viral hits mula sa social media, mga awitin para sa pamilya, at summer anthems.

Tatlo sa kanila ang aabante sa labanan sa Biyernes at Sabado para magsagupaan sa pagpe-perform ng mga pangmalakasang pyesa at kanta para sa bayan. Ang dalawang makakapagtala ng pinakamataas na score sa bawat araw ang tatanghaling semifinalists.

Patuloy din itong napapanood mula Lunes hanggang Sabado sa A2Z channel sa digital at free TV, Kapamilya Channel sa cable at satellite TV (SKYchannel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa), sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWantTFC app o iwanttfc.com. Mapapanood din ito sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Back to top button