Gandingan 2021, dadagundong para sa Pampublikong Kalusugan

Muli na namang tutunog ang Gandingan! Sa kabila ng patuloy na pagharap ng bansa sa pandemyang COVID-19, hindi nito mapipigilan ang muling pagdagundong ng Gandingan: The UPLB Isko’t Iska’s Multi-media Awards na may temang “Midya: Kaagapay ng Bayan sa Pagharap sa Krisis sa Pampublikong Kalusugan.” Mapapanood ang livestream ng ika-15 Gandingan Awards sa Facebook sa ganap na ika-2 ng hapon sa Mayo 22.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na gaganapin ang Gandingan Awards online bunsod pa rin ng dumaraming bilang ng kaso ng COVID-19 sa ating bansa. Una at natatangi ang Gandingan sa mga media awards na nagsagawa ng online na programa noong Hulyo 2020. Bago dumating ang hamon ng pandemya, isinasagawa ito sa DL Umali Hall sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) mula 2007 hanggang 2019.

OLYMPUS DIGITAL CAMERA

Sa pamumuno ng UP Community Broadcasters’ Society (UP ComBroadSoc), pinararangalan ng Gandingan ang mga natatanging programa, personalidad, istasyon, at iba pang plataporma ng midya na nagbibigay diin sa komunikasyong pangkaunlaran at walang tigil na naghahatid ng makabuluhang impormasyon para sa bayan.

Hindi matatawaran ang naging gampanin ng midya at ng mga kawani nito sa paghahatid sa publiko ng mga kritikal na impormasyong pangkalusugan. Kasama rito ang pagbibigay-halaga sa kaalaman ng mga nakahahawa at hindi nakahahawang mga sakit gaya ng dengue, tigdas, polio, diabetes, at higit sa lahat, ang COVID-19 na kasalukuyang nangingibabaw sa bansa at sa mundo. Sa pamamagitan ng midya, naipararating sa madla ang mga impormasyong makatutulong mapanatili ang malusog na pangangatawan at pag-iisip upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga nasabing sakit. Ang mga ito ang binigyang pansin ng Gandingan Awards ngayong taon.

Kasama ng patuloy na pagtugon ng midya sa layuning maibigay ang mahahalagang impormasyon ang pagpapakita sa publiko kung gaano katindi ang pakikipaglaban ng medical frontliners sa sakit, ang panawagan ng mga manggagawang pinagkaitan ng karapatang makapagtrabaho, ang mga estudyanteng biktima ng kawalan ng pantay at inklusibong edukasyon, gayundin ang mga biktima ng pang-aabuso, at iba pang mga sektor ng lipunan na patuloy na lumalaban para sa kanilang kalusugan. Ang pagdagundong ng Gandingan ay para sa kanilang lahat.

Sa taong ito, ibabahagi ang mga donasyong matatanggap mula sa Gandingan Awards sa mga batang may kanser na kinakanlong ng Silungan ng Pag-asa (Shelter for Hope) sa Maynila. Ito ang nagsisilbing pansamantalang tirahan ng mga batang nagmula sa iba’t ibang lalawigan na walang malalapitang kamag-anak habang patuloy na nakikipagsapalaran sa Maynila upang magpagamot. Sa kasalukuyan, limang bata ang namamalagi roon habang ang iba ay nasa kani-kanilang mga probinsya na patuloy pa ring sinusuportahan ng Silungan ng Pag-asa.

Para sa iba pang mga detalye, sundan lamang ang mga sumusunod na social media accounts:

Facebook Page: https://www.facebook.com/GandinganAwards/ Twitter: @GandinganAwards

Instagram: @upcombroadsocThe UP Community Broadcasters’ Society Inc. Facebook Page: https://www.facebook.com/UPComBroadSoc

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Back to top button