Aabot sa 1,500 na film at audiovisual (AV) workers ang mababakunahan sa “Bakuna Nights para sa Film at Entertainment Workers” ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) at Quezon City (QC) Government sa pamamagitan ng programang #QCProtekTODO.
Inilunsad noong Hunyo 24 sa Quezon City Hall Vaccination Site, mayroong tatlong session ang “Bakuna Nights para sa Film at Entertainment Workers” mula 6 p.m. hanggang 10 p.m. Ang unang session noong Hunyo 24 ay mayroong 500 na slots, at 477 na manggagawa ang nabakunahan. Ang susunod na dalawang sessions sa Hulyo 1 at 8 ay magkakaroon din ng 500 slots.
“Sa ating mga manggagawa, because of you, Quezon City is the City of Stars and I do intend to make sure to take care of all of the individuals who contribute to making Quezon City the great city that it is. At siyempre, nangunguna ang ating pong mga manggagawa from the film at television industry,” sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa kaniyang Opening Remarks.
Pinuri niya rin ang katatagan ng film at AV workers, lalo na ang daily wage earners, dahil nagtatrabaho pa rin sila kahit na lubos na naapektuhan ng COVID-19 na pandemya ang kanilang kabuhayan. “Ako ay umaasa na kapag tuluy-tuloy na ang pagbabakuna, babalik din sa normal ang ating mga buhay at ang ating pong industrya ay magiging masigla muli,” idinagdag niya.
Lubos na nagpasalamat si FDCP Chairperson at CEO Liza Diño kay Mayor Belmonte dahil siya ang unang nagbigay ng suporta para sa pagbabakuna ng film at AV workers. Binanggit din niya na dahil sa pakikipagtulungan ng FDCP at Quezon City para sa pagbabakuna ng A4 Priority Group workers, mayroon ng pending partnerships ang pambansang ahensya ng pelikula sa iba’t ibang local government units (LGUs).
“Malaking bagay po ito para sa aming industriya. Napakalaking bagay nito para makabangon kami, maging protektado kami, at makapagtrabaho kami nang walang takot,” wika ni Diño. Hinikayat din niya ang kapwang bakunadong film at AV workers na hikayatin pa ang ibang miyembro ng industriya na magpabakuna at magparehistro rin sa FDCP National Registry (NR) na nangangasiwa ng pakikipag-ugnayan sa mga manggagawa tungkol sa schedule and requirements para sa pagbabakuna.
Mahigit 5,000 na manggagawa ang kasapi sa National Registry for Audiovisual Workers (NRAW) ng FDCP at halos 1,500 sa kanila ay nakabase sa Quezon City bilang manggagawa o residente. Lahat ng manggagawang babakunahan sa QC Bakuna Nights ay kokontakin ng FDCP National Registry (NR) team sa pamamagitan ng call at text brigade para sa maayos na pag-schedule.
Nasa launch ng “Bakuna Nights para sa Film at Entertainment Workers” ang FDCP NR team para tulungan ang mga manggagawa kasama ang #QCProtekTODO team. Nagkaroon din ng maikling programa kung saan may libreng performance si Ice Seguerra kasama ang kaniyang bandang The Pogi Boys. Mayroon ding lugaw station para sa film at AV workers dahil ang kanilang schedule ng pagbabakuna ay tumapat sa hapunan.
Isa sa 477 vaccinated workers ang performing artist at commercial model na si Victoria Mina na ibinahaging masaya siyang nakasama siya sa Bakuna Nights launch para sa film at AV workers. “It was rather heartwarming to see people from the industry gathering and getting vaccinated together,” sinabi ni Mina sa FDCP. “Malaking tulong ang programang ito. Kapit lang tayo, babangon tayo ulit!”
Ang videographer na si Benedict Suarez, na nabakunahan din noong Bakuna Nights launch, ay may mensahe sa mga kasamahan niya sa industriya: “Please avail ‘yung libreng offer ng FDCP para at least lahat tayo makabalik nang dahan-dahan sa normal.”
Nagkaroon ng surprise segment sa programa kung saan kinanta ang “Happy Birthday!” para kay Chairperson Diño dahil bisperas iyun ng kaniyang kaarawan. Sinabi niya, “It is an honor to be part of the synergy between the government and industry to ensure the welfare of our workers. This gives me hope and fuels my purpose for public service. Indeed, we can make things happen such as working together towards having our workers vaccinated for the recovery of our film and audiovisual industry.”
Ang QC Bakuna Nights ay ang evening vaccination program ng Quezon City para sa daily wage earners and sa mga manggagawang hindi makapag-leave of absence. Bukas ito para sa FDCP NR registrants at pati na rin sa non-registered workers na maaaring ipadala lamang ang kanilang full name, job designation, email address, mobile number, at home address sa nationalregistry@fdcp.ph.
Sa mga nais mag-register sa kanilang LGUs para sa pagbabakuna, maaaring ipakita bilang proof of eligibility ang FDCP National Registry Certification na puwedeng ma-download mula sa kanilang MyFDCPRegistry Profile sa NR website (https://nationalregistry.fdcp.ph/).
Para sa mga katanungan, magpadala ng email sa nationalregistry@fdcp.ph o bumisita sa https://nationalregistry.fdcp.ph.