Isang napakahalagang usapin ang West Philippine Sea o ang Kalayaan Group of Islands para sa bawat Pilipino at higit sa lahat sa mangingisdang pilipino na walang ibang hangad kung hindi ang makapagtrabaho nang matiwasay sa sarili nating lugar at ari-arian.
Inihahandog ang isang Docu-series na may pamagat na “Victor 88” sa direksyon ni Ginoong Robin Padilla, ang hirap at tunay na karanasan ng mga mangingisda ay tatampok sa nasabing palabas at ito ay magkakaroon ng ilang parte kung saan ang bawat pangyayari sa West Philippine Sea ay mariin na nakuhanan ng kanilang camera at ng kanilang mga mata.
Isang espesyal na grupo ng mga mandaragat at mangingisda ang binuo ng negosyanteng si Francisco Tiu Laurel Jr. ng Frabelle Fishing Corporation para atasang maglayag mula Navotas Port patungo sa Kalayaan Group of Islands. Sakay ng fishing vessel na Victor 88, ang natatanging fishing expedition na ito ay isinagawa sa kabila ng isyu ng pagpapataw ng Tsina ng pang-internasyonal na pagbabawal ng pangingisda sa naturang teritoryo. Ano nga ba ang mga naging kaganapan sa naging paglalayag? At paano naapektuhan ang bawat isa sa grupo sa naging karanasan nila sa pagpunta sa karagatan at mga isla sa ating West Philippine Sea? ‘yan ang mga dapat abangan sa limang bahagi ng dokyu-serye na ito.
Bilang bahagi rin ng selebrasyon ng International Fisherman’s Day ngayong ika-29 ng Hunyo, ang dokyu-serye na ito ay pagpapakita sa kalagayan ng mga Pilipinong mangingisda at naglalayong mas kilalanin pa ng sambayanan ang kanilang napakalaking ambag sa ating araw-araw na pamumuhay.
Matapos ang pag-ere ng unang episode nito noong nakaraang Sabado, Hunyo 12, Araw ng Kalayaan, matutunghayaan pa natin ang iba nitong bahagi at abangan ang kwento ng paglalayag ng Victor 88.