Pagkatapos ipalabas sa iba’t ibang parte ng mundo, mga Pinoy naman ang makakapanood ng mga pelikulang “Death of Nintendo,” “Oda Sa Wala,” at “Motel Acacia” kapag naging available ang mga ito sa Pilipinas sa iWantTFC at KTX.PH simula Abril 23.
Handog ng Black Sheep ang tatlong palabas sa halagang P250 kapag bumili ng “Black Pack” exclusive pass hanggang Abril 22 sa solo.to/BlackPack. Makakabili pa rin ng regular tickets sa Abril 23 sa halagang P300.
Sa “Death of Nintendo,” masusubaybayan ang kwento ng apat na batang magkakasamang pagdadaanan ang pagbibinata, kabilang na ang mga pagbabago sa kanilang pangangatawan at buhay. Sa ilalim ng direksyon ni Raya Martin, pinagbidahan ito ni Noel Comia Jr. at unang ipinalabas sa international audiences sa Berlin International Film Festival noong 2020.
Mapapanood si Pokwang sa “Oda Sa Wala,” kung saan ginagampanan niya ang isang matandang dalaga at may-ari ng funeral parlor na magbabago ang buhay dahil sa isang bangkay. Humakot ito ng mga parangal kabilang na ang Best Picture at Best Actress sa 2018 QCinema International Film Festival, nagwagi ng dalawang FAMAS awards, at ipinalabas na rin sa film festivals sa Malaysia, Laos, at Czech Republic.
Katatakutan naman ang dala nina JC Santos at Agot Isidro sa “Motel Acacia,” na susundan ang kwento ng isang anak na mapipilitang itaguyod ang nakakakilabot na negosyo ng kanyang ama. Nag-world premiere naman ang pelikula sa Tokyo International Film Festival noong 2019.
Kamakailan, natanggap ng Black Sheep ang Rising Producers Circle Award mula sa 4th Entertainment Editors’ Choice o The Eddys na pinili ng mga miyembro ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).
Eksklusibong mapapanood sa Pilipinas ang tatlong pelikula sa iWantTFC at KTX.PH simula Abril 23. Para bumili ng Black Pack exclusive pass, bisitahin ang solo.to/BlackPack.
Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.