Patuloy na magbibigay ng saya, inspirasyon, at impormasyon ang ABS-CBN at sa paglulunsad nito ng Online Kapamilya Shows o “OKS,” kung saan makakasama ang iba’t ibang Kapamilya stars para samahan at damayan ang mga manonood sa kanilang tahanan ngayong quarantine.
Tampok sa OKS ang mga programang madali at mabilis panoorin at linggo-linggong mapapanood sa oks.abs-cbn.com at ABS-CBN Entertainment YouTube channel.
Magbubukas ang panibagong digital platform nang may kilig at tawanan sa “Paligayahin Niyo Ako,” isang weekly dating challenge na pagbibidahan ng “Ang Lihim Ni Ligaya” stars na sina Kit Thompson, Argel Saycon, Raven Molina, at Ivana Alawi. Dito, maglalaban-laban ang mga binata upang makuha ang puso ni Ivana at manalo ng isang Zoom date kasama ang dalaga. Mapapanood ito tuwing Huwebes, 9 PM.
Makakasama rin ang netizens sa kulitan at kamustahan nina Angelica, John Prats, Pooh, Jason Gainza, Ryan Bang, at Zanjoe Marudo sa “At Home with Banana Sundae” tuwing Biyernes, 7 PM.
All-star ang kwentuhan ni Ruffa Gutierrez sa “Love Thy Chika,” kung saan makikipagkamustahan siya sa “Love Thy Woman” co-stars niyang sina Christopher de Leon, Sunshine Cruz, Eula Valdes, Yam Concepcion, Xian Lim, at Kim Chiu. Abangan din ang pagbibigay-saya ng special guest appearance ni Annabelle Rama sa talk show na mapapanood tuwing Linggo simula Mayo 17, 12 NN.
Samantala, full force naman ang barkada ng “I Can See Your Voice” nina Luis Manzano, Andrew E, Alex Gonzaga, Bayani Agbayani, Angeline Quinto, Kean Cipriano, at Wacky Kiray sa online version ng Pinoy bingo sa “Bingo Ka ‘Day” at nakakatuwang guessing game sa ”Hula Who” tuwing weekend, 6 PM.
Libreng medical consultation naman ang hatid nina Jodi Sta. Maria at Dr. Suzie Mercado sa “Doc Knows Best” kada Sabado ng 11 AM simula Mayo 16, habang ipapasilip nina Angelica Panganiban, Billy Crawford, at Coleen Garcia ang mga buhay nila bilang pet owners sa “KaPET Lang,” kada Linggo ng 5 PM simula Mayo 17.
Nagbabalik naman ang trending na tunggalian nina Romina at Daniela sa “KG Online,” kung saan maghaharap sina Beauty Gonzales at Dimples Romana sa challenges na tungkol sa kalusugan, karunungan, at kagandahan. Ito ay para sa mga napili nilang charity at mapapanood tuwing Miyerkules simula Mayo 20, 12 NN.
Magiging pambansang kapitbahay ng viewers si Mamang Pokwang sa pagbubukas niya ng pintuan sa mga nangangailangan ng payo at matatakbuhan ng problema sa “Harapan Kay Mamang” na mapapanood tuwing Sabado simula Mayo 16, 4 PM. Ang “Magandang Buhay” momshies namang sina Jolina Magdangal, Melai Cantiveros, at Karla Estrada ay papakinggan ang mga sikreto at rebelasyon ng netizens sa “Confessions with the Momshies,” tuwing Biyernes, 11 AM, simula Mayo 22.
Ibibida naman ng cast ng “Pamilya Ko” sa pangunguna nina JM De Guzman, Sylvia Sanchez, Joey Marquez, at Maris Racal ang mga kwento ng iba’t ibang pamilya at mga frontliners sa “Pamilya Kowentuhan” tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes, 5 PM simula Mayo 18.
Magbibigay-buhay at katatawanan ang real-life sweethearts na sina Kim Molina at Jerald Napoles sa pagdedebate sa mga napapanahong isyu sa pamamagitan ng rap sa “Promdibate,” tuwing Lunes, simula Mayo 18, 6PM.
Samantala, makiki-bonding naman sa kanilang fans ang The Gold Squad nina nina Kyle Echarri, Francine Diaz, Seth Fedelin, at Andrea Brillantes sa official YouTube account nilang may 2.14 milyong subscribers na. Patuloy silang magbibigay ng kilig at tuwa sa pagdiriwang nila ng kanilang first anniversary ngayong buwan. Panoorin sila sa tuwing Martes at Biyernes, 6 PM.
Walang patid din ang mga chika at balita na hatid ni Boy Abunda sa “TWBA Express Updates,” kung saan idedetalye niya ang mga pinakapinag-uusapang isyu sa showbiz mula Lunes hanggang Biyernes tuwing 5, 7, at 9 PM.
Humugot ng saya at ginhawa mula sa bago ngunit tatak-Kapamilya shows sa OKS o oks.abs-cbn.com. Para sa updates, sundan lamang ang ABS-CBN PR sa Facebook (fb.com/abscbnpr), Twitter (@absbncpr), at Instagram (@abscbnpr).