Nananatili ang ABS-CBN na isa sa mga nais pasukan ng mga nakapagtapos ng pag-aaral sa bansa matapos makuha ang ikatlong pwesto sa Top 100 Graduate Employers 2021 ng GradPhilippines.
Nanguna rin ito sa mga organisasyon sa industriya ng media at komunikasyon sa listahan, na binase sa popularidad ng isang kumpanya sa mga estudyante at sa kalidad ng programa nito.
Ayon sa GradPhilippines, mayroong masaya at kaswal na “working environment” at “family-oriented vibe” sa ABS-CBN at sinasabing isang magandang lugar upang mahasa sa entertainment industry at madiskubre ang kani-kaniyang talento.
Ang GradPhilippines ay bahagi ng ng network ng Prosple na layuning tulungan ang mga mag-aaral na magkaroon ng magandang simula sa kanilang karera. Mayroong 190 job boards ang Prosple sa Asia Pacific region. Gamit nito ang parehong methodology sa likod ng prestihiyosong graduate employer awards sa Australia at New Zealand para mai-ranggo ang 604 na nominadong graduate employers sa Pilipinas.
Ginanap ang Top 100 Graduate Employer Awards sa pakikipagtulungan sa Inquirer Group of Companies kung saan pinarangalan ang ABS-CBN kasama ang iba pang kilala at pinagkakatiwalaang kumpanya.
Sa kabila ng pagpapatigil sa pag-ere at hindi pagbigay ng bagong prangkisa sa ABS-CBN noong 2020, nananatili itong bahagi ng buhay ng mga Pilipino. Patuloy itong naghahatid ng suporta, liwanag, at ligaya dito sa Pilipinas at sa buong mundo sa pamamagitan ng balita, entertainment, pelikula, at musika na natatangkilik sa free TV, cable, online, at streaming platforms.
Para sa mga oportunidad sa trabaho sa ABS-CBN, bisitahin ang https://careers.abs-cbn.com/. Para sa ABS-CBN updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.