Ibinahagi ng Star Music artist na si Lian Kyla ang “Unang Hakbang” niya sa paggawa ng musika at mga pagbabago sa kanya bilang tao sa una niyang full-length album na naglalaman ng mga kanta na isinulat niya nitong pandemya.
Ani Lian Kyla, hindi siya marunong magsulat ng kanta dati at palaging namamangha sa mga tao na nakakagawa ng magagandang awitin at nakakapaghatid ng mga kwento nila gamit ang musika.
“Nung nangyari ‘yung pandemic, nag-decide ako na mas magsulat pa ng mga sarili kong kanta kasama ‘yung kaibigan ko. Hindi lang lyrics, pero pati melody. Nakakatakot siya pero freeing at comforting din at syempre masaya,” dagdag ni Lian, at sinabi ring ang ilan sa mga kanta sa album ay magpapakita ng unang pagsubok niya na sumulat ng kanta at pati na pag-areglo at pag-prodyus nito. Simbolo raw ito ng mga unang hakbang niya sa pagtupad sa kanyang pangarap.
Mayroong siyam na kanta sa “Unang Hakbang” album na nagpapakita ng iba’t ibang uri ng pag-ibig gaya ng romantic love, pagmamahal sa kaibigan at pamilya, pati na pagmamahal sa sarili. Maririnig din sa album ang iba’t ibang musical genre gaya ng pop, pop-rock, acoustic pop, musical pop, at R&B/trap.
Bukod sa title track na “Unang Hakbang,” ang ilan pang mga isinulat na awitin ni Lian Kyla na kasama sa album ay ang “Saya,” “Space and Time,” “Waiting,” “Happy for You,” at “Kapit Lang.” Ang key track nitong “Verified” ay nagsisilbing paalala sa pagiging sapat ng isang tao at sa kahalagahan ng pagiging totoo sa sarili.
Kabilang din sa album track list ang mga Kapamilya teleserye soundtracks na “Walang Hanggang Paalam” at “’Yun Ka” mula sa “FPJ’s Ang Probinsyano.”
Mapapakinggan ang mga awitin ni Lian Kyla sa kanyang “Unang Hakbang” mini-concert na magaganap sa Sabado (February 26), 8 pm live sa ABS-CBN Star Music YouTube channel, Star Music Facebook page, at kumu (@liankylamusic).
Bago ang “Unang Hakbang,” ini-release niya noong Oktubre 2021 ang kanyang lo-fi “Dream Maker” EP na siya rin mismo ang nag-areglo at nagprodyus. Taong 2020 naman nang ma-nominate siya para sa Best Christmas Recording at Best Performance by a New Female Recording Artist sa 33rd Awit Awards.
Yakapin ang mga pagbabago sa iyong sarili at pakinggan ang “Unang Hakbang” album ni Lian Kyla sa iba’t ibang digital music platforms. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).