Umabot na sa mahigit 90,000 na pamilyang nawalan ng tahanan at kabuhayan dahil sa Bagyong Odette ang nahatiran ng ayuda ng ABS-CBN Foundation Sagip Kapamilya sa tulong ng mga donasyong nakalap ng kampanyang “Tulong-Tulong sa Pag-ahon.”
Ayon sa ABS-CBN Foundation, 92,845 pamilya o 464,225 na mga Pilipino ang nakatanggap ng pagkain o mga pangangailangan sa araw-araw sa mga probinsyang tinamaan ng super typhoon. Kabilang dito ang Antique, Bohol, Bukidnon, Cebu, Dinagat Islands, Iloilo, Negros Occidental, Negros Oriental, Palawan, Siargao Island, Southern Leyte, at Surigao City.
Bukod dito, may 41,346 ding nabigyan ng mainit na pagkain mula sa Mobile Kitchen.
Katuwang ng foundation sa operasyong ito ang mga pribadong kumpanya, local volunteers, at ahensya ng gobyerno. “Bukas po sila para maging katuwang sa paghahatid ng tulong na ito. Habang bumabangon ‘yung ating mga kababayan eh hindi tayo naghihinto sa ganitong adbokasiya,” ani Earl Bacabac, ang program head ng Sagip Kapamilya sa panayam sa “TV Patrol.”
Noong Enero 16, umabot na sa P65,436,000 ang natanggap na cash donation ng ABS-CBN Foundation at nagkakahalaga naman ng P12,599,000 ang mga in kind donation tulad ng bigas, pagkaing de lata, tubig, hygiene kits, at kumot.
Tinatayang 1.4 milyon ang mga pamilyang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Odette, kung kayat inilunsad ng ABS-CBN at ABS-CBN Foundation noong Enero 9 ang “Isang Daan sa Pagtutulungan,” kung saan tuloy-tuloy ang fundraising activities nito para sa Odette survivors sa loob ng 100 araw.
Sa unang walong araw ng “By Request” A Benefit Concert, lagpas P3.5 milyon na ang nalikom sa tulong nina Regine Velasquez-Alcasid, Kyle Echarri, Ogie Alcasid, KD Estrada at Alexa Ilacad, Jed Madela, Gigi De Lana at GG Vibes Band, Moira Dela Torre kasama sina Jason Marvin at I Belong to the Zoo, at Darren Espanto kasama ang host na si Darla Sauler. Madaragdagan pa ito sa pagsalang ni Erik Santos ngayong gabi (Enero 17) ng 8 pm, habang si Gary Valenciano ang finale bukas (Enero 18).
“Truth or Dare” kasama ang Kapamilya leading men naman ang tatakbo mula Enero 19 hanggang 28 na mapapanood pa rin sa FYE Channel sa Kumu, ABS-CBN Entertainment Facebook page at YouTube channel, at iWantTFC. Kapalit ng donasyon, maaaring makapagtanong o magbigay ng hamon ang fans sa kanilang paboritong male idols.
Available na rin ang Tulong Bag donation vouchers sa Lazada at Shopee kung saan ang P100 Tulong Bag donation voucher ay katumbas ng food pack na 1kg rice at dalawang pagkaing de lata para sa isang tao, habang ang P400 Tulong Family Bag donation voucher naman ay magbibigay ng 5kg rice at anim na de lata para sa isang pamilya.
Para sa iba pang impormasyon at paraan sa pag-donate, pumunta lang sa Facebook, Twitter, at Instagram ng ABS-CBN Foundation at sa https://foundation.abs-cbn.com para malaman kung paano. Ang DSWD Authority/Solicitation Permit No. ng kampanyang ito ay DSWD-SB-SP-00026-21, na valid nationwide hanggang Mayo 28, 2022.
Para sa updates, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok, o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.