VICE GANDA, 100 SONGBAYANAN TATLONG WEEKEND “EVERYBODY, SING!”

Kaabang-abang ang “Everybody, Sing” sa susunod na tatlong linggo dahil 100 na songbayanan ang makakasama ni Vice Ganda sa bawat laro na tinaguriang “100 Songbayanan Special” simula ngayong Sabado (Setyembre 20) sa Kapamilya Channel at A2Z.

“Ito ‘yung mga episodes na nagawa po namin bago pa nauso ang social distancing nating lahat kaya tutukan niyo ‘yan sa tatlong sunod-sunod na weekends. Isang malaking thank you namin ‘yan for everybody na nakipag-bayanihan sa amin sa saya at sa kantahan,” paliwanag ni Vice kagabi (Setyembre 19) sa kanyang programa.

Unang sasabak ngayong Sabado (Setyembre 25) at Linggo (Setyembre 26) ang 100 songbayanan ng haircutters.  Dahil mas marami ang maglalaro, mas marami rin ang games na mapapanood sa dalawang episodes. Mas malaki rin ang premyo na aabot sa P2 milyon sa jackpot round.

Samantala, ang songbayanan ng national athletes at perya performers naman ang nakasama ni Vice nitong nakaraang weekend habang ang Kapamilya singers na sina Jason Dy at Elha Nympha, nagsilbi ring guest singers noong Linggo (Setyembre 19).

Parehong hindi pinalad na makamit ang P500,000 jackpot ang dalawang songbayanan – dalawang tamang sagot lamang ang nakuha ng mga atleta, at pito naman ang nahulaan ng mga taga-perya. Gayunpaman, puno pa rin ang episodes ng mga masayang kwentuhan at magagandang payo mula mismo kay Vice.

“Tuwing may napapanalunan kayo parang nabubuhay ulit ang espiritu at dugo ng mga Pilipino, gumaganda ang mood natin. Iba ‘yung pride na binibigay niyo sa amin,” pagpupugay ni Vice sa national athletes.

Komento naman ni Vice sa kwento ng flow artist na si CJ, na nakaka-survive ngayong pandemya dahil sa ipon, “‘Yun talaga ‘yung marerealize mo ngayong pandemya eh. ‘Yung mga pagkakataon na ibinibigay sa atin dapat hindi sinasayang kasi hindi natin alam kung hanggang kailan pa mauulit ang pagkakataon na ito. Once you are given the chance, make sure you use that chance smartly and wisely and make sure you make the most of that chance. Para hindi ka magsisi.”

Mapapanood pa rin ang “Everybody, Sing” sa Kapamilya Channel at A2Z ng 7 pm tuwing Sabado, habang 7:30 pm ito magsisimula tuwing Linggo hanggang Oktubre 3, pagkatapos ng “Legends of Dawn: The Sacred Stone.” Balik ito sa dating timeslot na 7 pm kada Linggo sa Oktubre 10.  Napapanood rin ang “Everybody, Sing” sa Kapamilya Online Live, TFC, at iWantTFC.

Para sa updates, i-follow ang @EVERYBODYSINGPH sa Facebook, Twitter, at Instagram. Para sa ibang balita sa ABS-CBN, sundan ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Back to top button