Tumanggap ng parangal bilang “Outstanding CSR Project in Education” ang Knowledge Channel Foundation Inc. (KCFI) para sa kampanya nitong “School at Home” na layong ipagpatuloy ang distance learning sa bansa gamit ang mga on-air at online platform nito sa nagdaang 2021 League of Corporate Foundations- Corporate Social Responsibility (LCF-CSR) Guild Awards na ginanap noong Hulyo 9.
Binigyang pagkakataon ng “School at Home Project” ang mga kabataang napilitang manatili sa kanilang mga tahanan nitong pandemya na ipagpatuloy ang pag-aaral sa panonood nila ng iba’t-ibang palabas tungkol sa mga school subjects gaya ng Math, Science, Filipino, English, Araling Panlipunan, Values, Arts, at Physical Education. Alinsunod ang mga tinuturo sa mga videos na ito sa Most Essential Learning Competencies or MELCs na itinakda ng Department of Education at maaaring gamitin ito kasabay ng self-learning modules at mga palabas sa DepEd TV.
Isinagawa ng KCFI ang inisyatibong ito bilang tugon sa problemang idinulot ng pandemya sa sektor ng edukasyon sa Pilipinas, na nagresulta sa pagbabago sa pamamaraan ng pag-aaral ng mga estudyante. Dahil dito, maraming mag-aaral, guro, at magulang ang hindi nakasabay dahil sa kakulangan sa kagamitang makakatulong sa distance learning.
Sa kabila ng mga dagok na pinagdaanan ng ABS-CBN noong 2020, tulad ng pagpataw ng cease-and-desist order kontra sa SKYdirect at TVplus, at ang bigong franchise renewal application nito sa Kongreso, patuloy ang KCFI sa pagbibigay tulong sa mga estudyante, guro, at ilang pamilya para maitaguyod ang distance learning sa bansa ngayong new normal sa abot nitong makakaya.
“We want to be able to help the Department of Education, our teachers and parents to support the learning of the child. Aside from the DepEd-provided self-learning modules, we have prepared at least one video lesson per learning competency, for each of the most essential learning competencies. These video lessons are what kids need at this time to be able to better learn,” saad ng KCFI Director of Operations na si Edric Calma matapos tanggapin ang naturang parangal.
Patuloy pa ring mapapanood ang “School at Home” sa Knowledge Channel sa SKYcable, PCTA partner cable operators, Cignal, GSAT, SatLite, at A2Z araw-araw tuwing 7 ng umaga. Palabas din ang mga video material nito online sa knowledgechannel.org at sa YouTube channel nito.
Isa ang KCFI sa mga partner organization ng LCF na nanguna sa Education Committee nito noong 2018 at 2019. Sa ngayon, patuloy itong nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang organisasyon para itaguyod ang mga inisyatibong ikabubuti ng bansa.