Kantahan at bayanihan ang maghahari tuwing weekend simula ngayong Sabado (Hunyo 5) kasama si Vice Ganda dahil narito na ang “Everybody, Sing!,” ang unang community singing game show sa bansa na hatid ng ABS-CBN at mapapanood sa A2Z, Kapamilya Channel, at Kapamilya Online Live tuwing weekend ng gabi.
Sa pangunguna ng nag-iisang Phenomenal Box-Office Star, 25 na kalahok mula sa iisang sektor ang sama-samang maglalaro para masungkit ang jackpot prize na P500,000 sa game show na ito na isang orihinal na konsepto ng ABS-CBN at tunay na Pinoy made.
Tampok dito ang pagtutulungan at bayanihan na napakahalaga sa buhay at sa lipunan lalo na ngayong panahon ng pandemya.
“Dito sa Everybody Sing, walang magkakalaban at walang uuwi ng luhaan dahil ang 25 contestants ang magkakampi at magtutulungan,” ani ng host na si Vice Ganda.
Dagdag pa niya, “’di baleng wala sa tono, basta tama ang lyrics.”
Upang manalo, kailangan magtulungan ang “songbayanan” na mahulaan ang tamang lyrics ng iba’t ibang kanta. Hahatiin sila sa limang grupo para sa limang round o game categories ng kumpetisyon na may iba’t ibang istilo para subukin ang kanilang kakayahan pagdating sa kantahan.
Bawat tamang sagot ay may katumbas na P1,000 sa kada player at dagdag na segundo para sa jackpot round, kung saan kailangan ng “songbayanan” na mahulaan ang titulo ng sampung kanta sa loob lamang ng oras na naipon nilang segundo sa limang round ng “Everybody, Sing!”
Mas kapanapanabik ang jackpot round dahil bawat tamang sagot ay katumbas ng P5,000 at kung mahulaan nila ng tama ang lahat ng kanta, paghahatian ng “songbayanan” ang tumatagingting na P500,000.
Unang sasabak sa “Everybody, Sing!” ang grupo ng community pantry volunteers sa Sabado (Hunyo 5), habang miyembro ng food and beverage service crew naman ang itatampok sa Linggo (Hunyo 6).
Noong Marso 2020 una dapat ilulunsad ang “Everybody, Sing!” ngunit naantala ito dahil sa community quarantine. Sinisiguro naman ng ABS-CBN ang kaligtasan ng host, staff, at mga manlalaro sa pagsunod sa IATF guidelines sa pagsasagawa nito ng programa.
Uulan ba ng swerte sa darating na Sabado at Linggo? Magiging everybody happy kaya ang unang batch ng “songbayanan?” Abangan sa premiere ng “Everybody, Sing!” tuwing Sabado, 8 pm at Linggo, 7:30 pm sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC.
Para sa latest tungkol sa “Everybody, Sing!” i-follow ang @EVERYBODYSINGPH sa Facebook, Twitter, at Instagram. Para sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom.