Hindi ka na mangangamba dahil magbabalik na si Bro upang magbigay ng pag-asa kasama sina Andrea Brillantes, Francine Diaz, Kyle Echarri, at Seth Fedelin sa pinakabagong inspirational series ng ABS-CBN Entertainment na “Huwag Kang Mangamba”
Mapapanood ang bagong serye simula Marso 20 sa iWantTFC at Marso 22 naman sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, at Kapamilya Online Live.
“Tungkol ito sa dalawang klase ng tao: yung mga nanampalataya at sa mga bumitaw na sa pananamplalataya,” ayon kay Direk Jerry Lopez Sineneng. Ito ay kwento ng dalawang kabataan na makakaranas ng himala, layunin ng serye na iparating sa mga manonood na hindi sila kailanman nag-iisa at sa pinapakita ni Bro ang kanyang pagmamahal sa iba’t ibang paraan.
Magbibigay-inspirasyon si Andrea bilang “Mira”, isang bulag na batang ulila. Sa kabila ng kanyang sitwasyon, hindi siya nawawalan ng tiwala kay Bro at nananatiling positibo sa buhay. Si Francine bilang “Joy” naman ay isang rebeldeng anak na nawalan ng pag-asa sa Diyos dahil pakiramdam niyang walang nagmamahal sa kanya.
Magtatagpo sila sa isang malagim na aksidente at matatamo ang himala ni Bro. Haharapin din nila ang mga tao sa Hermoso na matagal nang tinalikuran si Bro dahil sa mga sunod-sunod na kamalasang nangyari sa kanilang bayan.
Samantala, si Deborah (Eula Valdes) na isang manggagamot ang tanging kakapitan ng mga taga-Hermoso dahil sa umanong himalang ginawa niya sa pamangkin niyang si Joy.
Magkakasundo kaya sina Mira at Joy para matupad ang misyon ni Bro? Paano nila makukumbinsi ang mga taga-Hermoso na mayroong Diyos kung hindi naniniwala ang isa sa kanila sa himala?
Abangan ang Huwag Kang Mangamba dahil makakasama rin sa powerhouse cast sina Sylvia Sanchez, Nonie Buencamino, Mylene DIzon, RK Bagatsing, Dominic Ochoa, Diether Ocampo, Enchong Dee, Angeline Quinto, Matet De Leon, Soliman Cruz, Mercedes Cabral, Paolo Gumabao, at Alyanna Angeles.
Ang “Huwag Kang Mangamba” ay nilikha nina Rondel Lindayag at Danica Domingo, at mula sa direksyon nina Emmanuel Q. Palo, Jerry Lopez Sineneng, at Darnel Villaflor.
Inawit naman ni Angeline ang theme song ng serye na may parehong titulo at nilika ni Fr. Manoling V. Francisco, SJ.
Unang mapapanood ang “Huwag Kang Mangamba” ngayong Marso 20 sa iWantTFC app at website, at sa Marso 22 naman ng 8:40 PM pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano” sa A2Z channel sa free TV at sa digital TV boxes gaya ng ABS-CBN TVplus. I-scan lang ang digital TV boxes para hanapin ang A2Z channel na mapapanood sa Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Bataan, Batangas, Bulacan, at Pampanga.
Sa Marso 22 na rin ito ipapalabas sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa), sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment,at sa labas ng Pilipinas sa The Filipino Channel.