Nagsama-sama ang superstar cast ng mga ABS-CBN teleserye na “FPJ’s Ang Probinsyano,” “Love Thy Woman,” “24/7,” at “Ang Lihim ni Ligaya” para himukin ang publikong manatili sa bahay at magsuot ng face mask kung kinakailangang lumabas para protektahan ang kanilang kalusugan.
Pinangunahan nina Coco Martin at Yassi Pressman kasama sina John Prats, Bianca Manalo, Michael De Mesa, John Arcilla, Shaina Magdayao, Rowell Santiago, Lorna Tolentino, at iba pa ang kampanyang #MasOkPagNakaMask na bahagi ng “Ligtas Pilipinas” advocacy ng ABS-CBN. Nakasuot sila ng puting T-shirt at mask sa mga litratong may tatak na “Mask is a must” na inilabas ng Dreamscape Entertainment sa social media pages nito.
“Stay at home, Kapamilya! Pero kung kinakailangan talagang lumabas, dapat ay may nakahanda kang washable mask. Gawin natin #LigtasPilipinas at ang ating mga pamilya,” nakasaad sa kalakip nitong caption.
Naglabas din ng video sina Ivana Alawi, Angel Aquino, at Melissa Ricks para turuan ang publikong gumawa ng sarili nilang mask at hinimok ang netizens na gawin ito.
Nakiisa rin sa kampanya ang “Love Thy Woman” stars na sina Yam Concepcion, Eula Valdes, Sunshine Cruz, Zsazsa Padilla, Jen Sevilla, David Chua, MJ Cayabyab, Richard Juan, at Tim Yap, “24/7” stars na sina JC Santos, Joross Gamboa, Pen Medina, Joem Bascon, at Bodjie Pascual, at ang mga bida ng paparating na seryeng “Ang Lihim ni Ligaya” na sina Kit Thompson, Agot Isidro, Ryle Santiago, at Hasna Cabral.
Noong nakaraang linggo, inobliga ng pamahalaan na magsuot ng mask o improvised face shields ang mga residenteng apektado ng enhanced community quarantine sa Luzon para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19.
Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram o kaya’y bisitahin ang www.abscbnpr.com.