GCash muling nagbabala na iwasan ang mga text na naglalaman ng mga phishing links
Nakakatanggap ka ba ng text mula sa “GCash” na may link na humihikayat sayo na i-click? Mag-ingat, dahil maaari itong isang spoofing scam kung saan ang mga scammer ay nagpapanggap na lehitimong institusyon tulad ng mga e-wallet, bangko, at service providers. Ang mga scammer ay gumagamit ng mga ilegal na teknolohiya upang magpadala ng phishing links na nagmimistulang galing sa GCash, at kapag na-click ito, makuha nila ang iyong mga sensitibong impormasyon at magkaroon ng access sa iyong account nang walang pahintulot.
Ang GCash ay hindi kailanman magpapadala ng SMS o text message na may mga link na humihingi ng mga personal na impormasyon tulad ng iyong password, MPIN, OTP, at iba pa. Kaya’t mag-ingat sa mga ganitong mensahe.
Paano Maiiwasan ang Spoofing Scam?
- Alamin ang Spoofing at Paano Ito Gumagana Ang spoofing ay isang uri ng scam kung saan ang scammer ay nagpapanggap na empleyado ng kilalang institusyon tulad ng bangko, service provider, o ahensya ng gobyerno. Ang layunin nila ay pilitin ang biktima na i-click ang isang phishing link o ibigay ang sensitibong impormasyon tulad ng MPIN at OTP, na magdudulot ng ‘account takeover’ sa iyong e-wallet, bank account, o social media profiles.
- Suriin ang Pinagmulan ng Mensahe o Tawag Maging mapanuri sa mga natatanggap na PM, text, o tawag. Tanging ang mga opisyal at verified na communication channels ng GCash ang ginagamit nila. Kung ang mensahe o tawag ay humihingi ng personal na impormasyon, tiyak na ito ay scam. Kung hindi ka sigurado, tawagan ang opisyal na GCash hotline upang malaman kung lehitimo ang tumawag o nag-message sa iyo.
- Tandaan ang mga Red Flags Isang malinaw na ‘red flag’ sa mga scam message o tawag ay ang biglaang “sense of urgency”—pinipilit ng mga scammer na mabilis mong ibigay ang mga sensitibong detalye. Kung ang mensahe ay may kasamang link at humihingi ng MPIN o OTP, magduda agad, dahil hindi kailanman hihingiin ng GCash ang ganitong impormasyon mula sa mga user.
- Gumamit ng Secure na Koneksyon Siguraduhing kapag ginagamit ang GCash, ikaw ay konektado sa isang private Wi-Fi network na secure. Iwasan ang paggamit ng public Wi-Fi kapag ina-access ang iyong GCash account, dahil ito ay madaling kapitan ng cyberattack.
- I-report ang mga Kahina-hinala Kung nakatanggap ka ng kahina-hinalang mensahe o tawag, agad itong i-report sa GCash. Maaari itong gawin sa GCash app o pumunta sa opisyal na GCash Help Center sa https://help.gcash.com/hc/en-us at i-message si Gigi. I-type lamang ang “I want to report a scam” o tumawag sa GCash hotline na 2882.
Paalala: Ang GCash Ay Hindi Humihingi ng MPIN o OTP
Laging tandaan na ang GCash ay hindi kailanman humihingi ng MPIN o OTP mula sa mga users. Layunin ng GCash na tiyakin ang seguridad ng digital financial ecosystem para sa lahat ng users, at tulungan silang mapanatili ang kanilang kaligtasan sa online na transaksyon.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang https://www.gcash.com.