11 ABS-CBN PERSONALITIES/PROGRAMS HAILED NAT’L WINNERS 2021 ASIAN ACADEMY CREATIVE AWARDS

Muling napansin ang husay ng mga Kapamilya sa paglikha ng mga dekalidad na programa, sa pag-arte, at sa paghahatid ng balita matapos tanghaling national winners ang 11 na programa at personalidad mula sa ABS-CBN sa Asian Academy Creative Awards.

Pinakamaraming nauwing parangal ang ABS-CBN sa mga Pilipinong kumpanyang kalahok at tatlo sa pagkilalang nakamit nito ay para sa iWantTFC original series na “He’s Into Her.” Nakuha ng seryeng pinagbibidahan nina Donny Pangilinan at Belle Mariano ang Best Original Programme by a Streamer/OTT, Best Direction (Fiction) para sa direktor nitong si Chad Vidanes, at Best Theme Song para sa awiting “He’s Into Her” ng BGYO.  

Best Music/Dance Programme naman ng bansa ang community singing game show na “Everybody, Sing!,” habang Best Entertainment Program Host si Vice Ganda.  

National winner din para sa Best Single Drama/Anthology Episode ang episode na “Two Mothers” ng “MMK” tampok sina Iza Calzado at Shamaine Buencamino.  

Umariba rin ang galing sa pag-arte ng Kapamilya stars. Best Actor si JM de Guzman para sa “Init sa Magdamag,” Best Supporting Actress si Sylvia Sanchez sa kanyang pagganap sa “Huwag Kang Mangamba,” at Best Supporting Actor si Nonie Buencamino para sa “Huwag Kang Mangamba.”  

Sa larangan ng news and current affairs, pinarangalan si Karen Davila bilang Best News Anchor para sa “Headstart” ng ANC at Best Documentary Programme naman ang “Fedelina: A Stolen Life.”  

Ang national winners ng Pilipinas ang magiging kinatawan ng bansa sa regional awarding na gaganapin sa Singapore sa Disyembre. Noong 2020, si Arjo Atayde ang natatanging Pilipinong national winner na nanalo sa buong Asya matapos hiranging Best Actor in a Leading Role para sa pagganap niya sa “Bagman.”    

Samantala, nagbigay din ng karangalan sa Pilipinas ang tatlo pang palabas ng ABS-CBN na tumanggap ng nominasyon kahanay ang mga pambato ng ibang bansa sa ginanap na 2021 Venice TV Award (VTVA).

Tanging mga nominado mula sa buong Southeast Asia ang “He’s Into Her” sa Cross Platform Programming category, ang “Everybody, Sing!” ni Vice Ganda sa Light Entertainment category, at ang action-drama na “A Soldier’s Heart” sa kategoryang Best Soap/Telenovela. Lumahok din bilang miyembro ng jury ang head ng ABS-CBN Integrated Program Acquisitions & International Distribution na si Macie Imperial. 

Patuloy ang ABS-CBN sa pagbibida ng talento ng Pilipino at paghahatid ng content sa iba-ibang panig ng mundo. Kilala sa mga magagandang programa nito, mga pelikula na patok sa takilya, at musikang tinatangkilik ng marami, ang ABS-CBN ay isa na ring digital company na lumalawak pa ang mga serbisyo para matugunan ang iba-ibang pangangailangan ng mga Pilipino sa buong mundo.  

Para sa ibang balita, i-follow ang @ABSCBNPR sa Facebook, Twitter, Instagram, at Tiktok o pumunta sa www.abs-cbn.com/newsroom 

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Back to top button